Friday, February 4, 2011

Barrio Girl

by James Earn Ablaza Esperida on Friday, February 4, 2011 at 7:59pm

TAGPU I

(Sayawan sa San Roque)

Dumarami na ang mga nag-aabang sa kanto. May nakaporma, at meron ding simpleng damit o polo. Maya-maya pa'y, may nagsisigaw na isang lalaki.

Huminto ang trak. Nagmamadaling sumakay ang mga kabataang naghihintay lang sa libreng sakay papunta sa sayawan. Lalaki man o babae.

At habang mabilis na lumilipad ang trak, hindi nila maiwasang magsisigaw sa daan. At kapag narinig mo na ang alingawngaw ng sound system, isa lang ang ibig sabihin nyan. Kunting metro na lang, malapit na ang mga adik sa sayawan.

At isa si Makisig sa naging adik noon sa sayawan. Iba-ibang lugar, basta ba'y may susundo sa kanto, lagi lang silang andar ng kanyang mga kaibigan.

Ngayong ngang gabing ito, iba naman ang naging destinasyon ng yugyugan.

Huminto ang trak. Naliliwanagan ang paligid ng iba't-ibang kulay ng ilaw mula sa sayawan. Halos mararamdaman mo na rin ang paggalaw ng lupa, na parang inaayun ka na ring sumabay sa tugtog.

Nagsibabaan na ang lahat. Nagkumpol-kumpol sa kani-kanilang pangkat, nag-uusap-usap. Ang iba, pinag-uusapan kung pwedeng maka-discount sa entrance.

Meron ding may kani-kanilang technique. May isang magbabayad ng entrance para makapasok. Maya-maya ay lalabas. Sa kanyang pagbalik, may makikisabay na barkada at para walang makahalata. Paulit-ulit hanggang sa lahat na kasama niya ay makapasok sa gate ng libre, ng hindi nahahalata.

May mga nag-iisip din kung papaano mapepeke ang ginagamit na tatak ng tresurera sa gate. Minsan, may magbabayad na isa (kadalasan ay babae dahil mas mababa ang bayad) at habang hindi pa natutuyo ang tinta o cuticle na itinatak sa kanyang kamay o kuko, agad siyang lalabas upang ipasa sa isa, dalawa at hanggang tatlong kaibigan ang malabnaw na entrance mark ng sayawan.

Ngunit ang grupo ni Makisig ay talagang walang perang pang-entrance sa ni isang kasamahan na siyang didiskarte sa tinatawag na "pass the gate pass".

Barkada 1: Ang tagal namang mag-open gate. Mag-aala una y media na.

Barkada 2: Walang ibang 'choice', mag-oover the bakud tayo.

Dumarami na ang tao sa loob ng bulwagan. Mapang-akit na rin ang mga tugtugin na parang hinihila na siya para pumasok. Dalawa na lang silang natitira.

Makisig: Naku namang tanod 'to. Hindi umaalis sa katabi ko.

Barkada 1: (Sinisenyasan siyang pumasok na sumingit sa barikada.)

Makisig: Yes, umalis na ang tanod.

At nang siya'y makadaan na sa barikada, biglang may kumalabit sa kanya. Hinila siya ng tanod pabalik sa labas ng sayawan.

Makisig: Badtrip. Nakakahiya tuloy sa mga taong nakakita sa akin. (Habang tanaw na tanaw niyang pinatatawanan siya ng kanyang mga kaibigan.)

At sa ikalawang pagkakataon, nagmumukha na naman siyang magnanakaw sa gabi. palingon-lingon sa paligid. Bagamat sa may bahaging madilim na siya lulusot, alam niyang baka katulad ng dati, may tanod lang sa paligid na nagmamasid. Baka mapahiya na naman siya.

TAGPU II

(Sa loob ng sayawan)

Barkada 3: O, nakalusot ka na pala.

Makisig: Lintik kasing Tanod 'yun.

Tumigil ang pag-ikot ng mga ilaw. Parang may pinahihiwatig. Oo, sweet na nga talaga ang tugtog.

Makisig: Tamang-tama pala ang pasok ko.

Nagsimula ng maglibot-libot ang mga lalaki. Samantalang ang mga babae naman, nagkukunwari pang ayaw, nagpapakipot kahit gusto naman.

Makisig: (Inilibot niya ang kanyang mga mata, parang isang bubuyog na naghahanap ng makulay na bulaklak sa gitna ng parang.) Ayon, may isang babaeng pinagpipilahan. Pero, parang ayaw magpakabit.

Tinungo niya ang kinaroroonan ng magandang dalaga. Maraming mga lalaki ang nagpupumilit na hingin ang kanyang kamay.

Makisig: (Nakisiksikan din sa mga nag-aalok ng sayaw.) Miss, can I dance you tonight? (Oo, Ingles talaga ang sinabi ni Makisig. At may akto pang luluhod ito. 'Yun ang naisip niyang trip na pwedeng magustuhan ng dalaga.)

At gaya ng kanyang inaasahan, sa kanyang kamay iniabot ng dalaga ang palad nito.

Mga Kabarkada: (Nagsigawan) Lupet mo boy!

Makisig: Ano nga pala ang pangalan mo?

Tala: Kapag may nagtatanong sa akin kung anung pangalan ko sa mga gaya nitong sayawan, nagpapakilala ako bilang Bituin. Pero ang tunay kong pangalan ay Tala.

Makisig: (Habang humihigpit ang yakap) Ganoon ba, mukhang pinagpipilahan ka kanina ha!

Tala: Oo nga, hindi naman kasi ako nagpapakabit kani-kanino lang. Taga-saan ka nga pala?

Makisig: Taga-Pagatpat ako. Ikaw?

Tala: Taga-rito lang ako sa San Roque, mdeyo malayu-layo lang dito ng kaunti.

Makisig: Mahilig ka siguro sa mga sayawan, ano?

Tala: Hindi naman, kapag pinapayagan lang ako ni Mama.

Makisig: Istrikto siguro si Mama ano? May boy friend ka na?

Tala: Boyfriend? Wala no.

Makisig: May pag-asa pala. (Tatawa)

Tala: Bakit hindi? (Magtatawanan sila. Walang tinig. Parang may pagtitimpi sa kanilang mga ngiti.)

Tala: Marunong ka bang sumayaw ng cha-cha?

Makisig: (Nanlalaki ang kanyang mga mata) Cha-cha? Ah, eh. (Hirap magpaliwanag na hindi) Kung tuturuan mo ako, bakit hindi?

Tala: Cha-cha tayo pagkatapos nito.

Makisig: Naku po!

Tala: Ano?

Makisig: Wala, sabi ko 'sure'.

Natapos ang sweet, sinundan ito ng cha-cha. Katulad ng sinabi ni Tala, hindi nakapagtanggi si Makisig. At sinundan pa ito ng modern dance.

Makisig: (Nag-iisip) Mukhang mapapalaban ako dito. Pagod na pagod na ako.

Tala: Ok ka lang ba?

Makisig: Ah, ok lang. (Mag-iisip ulit) Walang kapaguran ba tong babaeng ito?

Tala: Kaya mo pa ba?

Makisig: Ah, oo. Basta ba ikaw ang kapartner ko ayos lang ako.

Tala: Gusto mo turuan kita mamaya mag-square dance?

Makisig: (Sa isip) Square dance, naku! Naninigas na ang athritis ko. (Tatango.)

Walang kasawaang sayaw. Pagod na pagod man si Makisig ngunit parang bale wala lang ang mga ito dahil maganda naman ang kanyang nahanap nang gabing iyon.

Napagod din si Tala. Umupo sila sa gilid. Nagkwentuhan. Hiningi ni Tala ang contact number ni Makisig. Humingi si Makisig ng maliit na pirasong papel sa may tindahan at doon isinulat ang kanyang cellphone number.

Natapos ang sayawan. Nanakit ang kasu-kasuan ni Makisig.

TAGPU III

(Sa bahay ni Makisig)

Kinaumagahan, nakatanggap si Makisig ng text message, galing kay Tala. At doon na nga nagsimula ang panliligaw ni Makisig.

Nagpapasama siya sa kaibigan niyang doon mismo nakatira malapit kina Tala.

TAGPU IV

(Sa Park)

Malakas: Sigurado ka na ba dyan sa desisyon mo?

Makisig: Oo, doon muna ako makikituloy sa inyo, mga ilang araw lang. Palalamigin ko lang 'tong ulo ko.

Malakas: Paano kong hanapin ka ng mga magulang mo?

Makisig: Bahala sila, problema na nila yun. Ano ba? Papayag ka ba o sa iba na lang ako makikituloy?

Malakas: Sige na nga. Hintayin mo na lang ako sa labas, mamaya pang ala dos ng umaga ang labas ko.

TAGPU V

(Sa bahay ng Anti ni Malakas)

Malakas: Pasensya ka na dito kina Anti.

Makisig: Ayos lang yan. Malapit lang ba dito ang bahay ni Tala sa inyo.

Malakas: Hindi ko alam pero hahanapin natin mamayang gabi. Maglalakad-lakad tayo.

Makisig: Baka mapagtripan tayo.

Malakas: Ano ka ba 'tol! Malakas ako dito sa amin.

TAGPU VI

(Sa tapat ng bahay ni Tala)

Tala: Mabuti naman at nahanap ni'yo itong bahay namin. Bakit ka nga pala naglayas sa inyo?

Makisig: Wala. Wag mo ng intindihin iyon.

Malakas: (Bubulong kay Makisig) 'Tol, ipakilala mo naman ako jan sa kasama ni Tala.

Makisig: Maliwanag, gusto ka raw makilala ni Malakas.

TAGPU VII

(Sa bahay ng Anti ni Malakas)

Makisig: Doon muna ako mamaya magtatambay kina Tala, tutal papasok ka pa sa tinatrabahuhan mo. Pupuntahan na lang kita doon, mga alas syete ng gabi.

Malakas: Hindi na ako papasok doon.

Makisig: Bakit naman?

Malakas: Basta, hindi ko na gusto ang pamamalakad nila.

Makisig: Dapat magpaalam ka muna bago ka umalis sa trabaho.

Malakas: Hindi na kailangan, alam na nila yun. Basta mamaya, sama tayo papunta kina Tala. Ilakad mo naman ako kay Maliwanag.

TAGPU VIII

(Sa gilid ng kalye)

Dumaraan ang prosisyon. Malapit na kasi ang piyesta sa kanilang barangay. Magkakaroon na naman ng sayawan sa bisperas ng kapiyestahan.

Malakas: Mukhang masaya ka ngayon ha! Parang hindi mo man lang iniisip ang paglalayas mo.

Makisig: Ano ka ba pare, sinagot na ako ni Tala.

Malakas: Ganoon? Ayos! Dapat may celebration yan.

TAGPU IX

(Sa tinutuluyan nina Malakas at Makisig, pagkalipas ng isang linggo)

Makisig: 'Tol, magpapaalam na ako sa Anti mo.

Malakas: Bakit? Itatanan mo na si Tala?

Makisig: Hindi, uuwi na ako sa amin. Hindi ko na kaya.

Malakas: Tapos, anong sasabihin sa Nanay mo.

Makisig: Ma, sorry po. (Magtatawanan ang dalawa)

TAGPU X

(Sa sayawan)

Masama ang panahon. Malakas ang ulan na parang may bagyo. Ganoon pa man, hindi iyon naging hadlang kay Makisig na pumunta sa sayawan.

Tala: Umuwi ka na pala sa inyo.

Makisig: Oo. Hindi na ako nakapag-paalam pa saiyo dahil biglaan kasi.

Tala: Kaya pala hindi ka na nakapunta sa amin ng gabing iyon.

Bumuhos ang malakas na ulan. Lumabas muna ng bulwagan sina Makisig at ang isa niyang kaibigan. Hindi niya pa nakikita si Malakas nang gabing iyon.

At nang tumila na ang ulan, lumabas sila para bumalik sa sayawan. Masyadong maputik kung kaya't patalon-talon ang lakad ni Makisig, umiiwas sa mga putik. Nakayuko siya habang naglalakad, tinitingnan ang dinadaanan upang hindi maputikan ang pantalon.

Nang biglang... .

Masaya: Ano yon?

Makisig: Ano yon?

May isang lalaking bumalak na umbugin si Makisig, nagkataon na umilig siya pakanan upang iaapak ang kanyang paa sa bato, kung kayat hindi siya tinamaan. Mabilis na tumakbo ang lalaki sa malayo at madilim na looban.

Nagsilapitan ang mga grupo ni Makisig.

Barkada 1: Ano yon Makisig?

Makisig: Wala. Nagdya-jumping rope lang yun.(Tatawa-tawa ngunit may halong kaba at takot.)

Barkada 2: Tara, lakad-lakad tayo doon.

Malakas: Nakilala mo ba?

Makisig: Hindi eh, nakayuko kasi ako. Hindi naman ako tinamaan.

Barkada 4: Kahit na, dahil kung may patalim iyon at tumama sa balikat mo, lagot ka boy!

Makisig: (Kinabahan ngunit hindi nagpahalata) Hindi na natin yun mahahanap. Tumakbo ng mabilis, akala siguro hahabulin ko rin siya. Hahaha

Nang umuwi si Makisig, laking pasasalamat niya sa maputik na daan. Dahil kung hindi, malamang nadali siya noong lalaking iyon. Laking pasalamat niya sa Diyos.

TAGPU XI

(Sa park)

Malakas: Ayun si Tala, puntahan natin.

Makisig: 'Wag na. Doon na lang tayo sa Nineballs.

Malakas: Bakit naman?

Makisig: Break na kami.

Malakas: Bakit?

Makisig: May nagsabi daw sa kanya na manloloko ako at may iba daw ako. Kaya break na daw kami.

TAGPU XII

(Sa Park ulit)

Malakas: 'Tol, ayon si Tala.

Makisig: (Hinigpitan ang yakap sa babaeng katabi.) Sinong Tala?

Akala ni Makisig, iyon na ang tunay niyang pag-ibig. Doon niya natutunang kahit gaano mo kamahal ang isang tao, kung wala kang pagtitiwala dito, maaaring masira ang tatag ng inyong pagmamahalan.

Marahil, kung hindi lang siguro naniwala si Tala sa sabi-sabi ng iba, hanggang ngayon ay sila parin ang magkasama.

No comments: