Published in BURABOD, The Naga Collegian Literary Folio Vol. LVII No. 2
The author was the literary editor during the publication of the said literary folio.
Ang berdeng inusbungan
ng talutot na isip
ng usok mula sa damdaming
kinulo ng diwang makabayan
naibsan na’ng putik
na tatampisawan ng gintong paa,
na tatapunan ng baliw na paninindigan.
Nagpaubaya sa takip-silim.
Sa bandilang iwinawagayway,
pilit pinasisigaw ng mga salitang
magpapaamo sa tupang kunway galit.
Sawa na ako sa bughaw.
Busog na rin ako sa mga dugong
tumilamsik sa aking mga mata
habang tumatatak ang bala kay Rizal.
Nanginginig, pinipihit ang sandata.
At ang patuloy na pagdanak
ng pulang likido…
patunay na sinisiil pa rin
ang laya ng ibon.
Ilang dekada na ring nagising
sa itim na bangungot,
na pagkatapos ng gira… ng gulo,
masisilayan na ang liwanag.
Nang humalo ang pulang likido
sa bughaw na ulap,
bumuhos ang ulang
nagdala ng bangungot sa sanlibutan.
Ang ngayon…
isang araw pagkatapos ng dekada.
Marahil… malayo. Ang bukas…
napaghalong kulay. Itim ng sigwa.
Sawa na ako
sa berdeng tulad kong pabaya
sa bughaw na gahaman
sa pula’t itim.
Ano ang tunay na laya?
Ang laya habang kinakahon sa bakal?
Ang laya habang nakagapos ang mga pss?
Sawa na ako sa pagkukunwaring:
MALAYA NA TAYO!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment